Dumipensa ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa pagpapatupad ngayong Hunyo ng dagdag na kontribusyon sa premium ng mga miyembro.
Sa ginanap na pagdinig ng House Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle, iginiit ni PhilHealth Executive Vice President at Chief Operating Office Eli Dino Santos base sa binasang statement mula kay PhilHealth President Dante Gierran, na ang pagtaas ng premium ay mahalaga para makamit ang layunin ng Universal Health Care o UHC Law.
Ang premium rate hike ay isa lamang din sa mga hakbang para maisakatuparan ng health state insurer na lahat ng mga Pilipino ay magkaroon ng access para sa kanilang kalusugan.
Mahalaga din umano ito para maprotektahan ang National Health Insurance Fund, na mula sa collective contribution ng mga Pilipino at nagagamit ng mga miyembro.
Panghuli ay tiniyak ng PhilHealth na wala silang ibang hangad kundi ang interes ng milyun-milyong mga Pilipino na ang pangangailangang-medikal ay nakadepende sa ahensya.