Implementasyon ng Universal Healthcare Program, sisilipin din ng Senado sa budget hearing

Bubusisiin din ng Senado, ang implementasyon ng Universal Healthcare Program sa oras na sumalang ang Department of Health (DOH) sa budget deliberation.

Nakukulangan si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa pagpapatupad ng UHC Law dahil gumagastos pa rin ng 40% ang mga mahihirap na kababayan para sa kanilang medikal na pangangailangan.

Ito aniya ang dahilan kaya mahalagang matiyak na may sapat na pondo sa mga programang pangkalusugan na direktang mabebenepisyuhan ang mga indigent patients.


Nababahala rin si Villanueva, sa ₱10 billion budget cut sa DOH kaya pangunahin ito sa mga hihimayin ng Senado sa budget deliberation.

Sinabi rin ni Senator Grace Poe, na aaralin nilang mabuti ang pondo ng DOH sa 2024.

Partikular na sisilipin dito ang leakages at inefficiencies sa paggastos na mas dapat na tugunan ng gobyerno sa halip na tapyasan ng pondo ang mga mahahalagang programa.

Aniya pa, mahalaga ang pondo ng apat na specialty hospitals na mas dapat pa ngang palakasin para makapagbigay ng serbisyo sa mas maraming mga Pilipino lalong lalo na sa mga mahihirap na mamamayan.

Facebook Comments