Implikasyon ng mutation ng COVID-19 sa Region-7, hindi pa matukoy dahil sa kakulangan ng datos ayon sa DOH

Inihayag si Health Secretary Francisco Duque III na sa kasalukuyan, hindi pa sapat ang mga datos na kanilang hawak upang matukoy ng mga eksperto ang implikasyon ng mutation ng COVID-19.

Ito’y matapos na maitala ang dalawang klase ng mutation ng COVID-19 sa region 7 matapos na mapag-aralan ang mga samples na ipinadala sa Philippine Genome Center.

Ayon kay Duque, nangyayari talaga ang mutation ng virus sa katawan ng tao hanggang sa ito ay dumami at kapag naipapasa.


Aniya, ang mutation na nangyayari ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto kung saan maaari raw itong mas nakakahawa o kaya ay mas mabagsik ang virus.

Pero paliwanag ni Duque, kadalasan naman sa mutation ay walang epekto sa kabuuang karakter ng virus habang maari naman daw itong humina kapag nagmu-mutate at posibleng mabawasan ang pinsala ng virus.

Sa kabila nito, patuloy na pinapaigting ng Department of Health (DOH) at ng Center for Health Development Region-7 ang kanilang containment measures tulad ng active case findings, contact tracing, immediate quarantine at isolation gayundin ang localized lockdown para makontrol ang virus.

Sinabi pa ng kalihim na bagamat may pagtaas ng kaso sa Central Visayas, nananatili naman sa safe zone ang kanilang health care utilization rate kung saan patuloy ang gagawing pagbabantay ng DOH sa estado sa nasabing rehiyon sa mga susunod na araw upang mapag-aralan kung kinakailangan ng malawakang lockdown.

Facebook Comments