Implimentasyon ng No Smoking Policy, Binatikos

Benito Soliven, Isabela – Kinalampag sa Sangguniang Bayan ng Benito Soliven, Isabela ang implimentasyon ng anti-smoking policy ordinance ng kanilang bayan.

Ito ay dahil kapansin-pansin na sa mismong lugar na may nakadikit na no-smoking area sa naturang munisipyo ay pinagsisigarilyuhan ng ilang empleyado.

Dahil dito ay hihilingin ng Sanguniang Bayan ng Benito Soliven na higpitan lalo ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at tanggapan ng gobyerno.


Sa ginawang pagpapahayag ni konsehal Ernesto Abu sa panghuli nilang regular na session, kapansin-pansin na mahina ang pagpapatupad ng ordinansa sa Benito Soliven.

Ayon naman kay Vice Mayor John Paul Azur, susulatan nila ang kanilang punong ehekutibo at hilingin ang mas mahigpit na pagpapatupad sa kanilang ipinasang ordinansa.

Dahil dito ay muling nanawagan ang mga ito na igalang at ipatupad ang kanilang mga inaprubahang ordinansa para na rin sa kapakanan ng kanilang mga kababayan.

Sa anti-smoking ordinance ng Benito Soliven ay nakasaad ang kaparusahang multa na limang daang piso hanggang dalawang libong piso at pagkakakulong depende sa kautusan ng korte.

Magugunita na mayroon na ring public smoking ban sa bansa sa pamamagitan ng Executive Order 26 ni Pangulong Duterte na nagbabawal ng paninigarilyo sa pampubliko at pampribadong sasakyan, mga establisyemento gaya ng eskuwelahan, hospital, klinika, food operation area at mga lokasyon na delikado sa sunog.

Facebook Comments