Nagsagawa ng information campaign ang Department of Agriculture Regional Field Office I, ngayong Enero upang palaganapin ang Republic Act 11321 o Sagip Saka Act at mapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa Ilocos Region.
Layunin ng aktibidad na ipaliwanag ang mahahalagang probisyon ng batas, partikular ang pagbibigay-daan sa mga grupo at kooperatiba ng magsasaka na direktang makipag negosyo sa pamahalaan para sa mas mabilis at mas simple na bentahan ng kanilang mga produkto, na nagreresulta sa mas mataas na kita at mas tiyak na merkado.
Tinalakay rin ang mga benepisyo ng batas tulad ng market access, tulong-pinansyal at teknikal, tax incentives, at mga patakaran sa procurement ng mga produktong agrikultural at pangisdaan sa ilalim ng Sagip Saka Act.
Pinaalalahanan ang mga asosasyon at kooperatiba na tiyaking rehistrado at akreditado sa mga sistema ng DA at may kakayahang tumugon sa dami at kalidad ng produktong kinakailangan ng pamahalaan.
Para sa karagdagang gabay, maaaring lumapit sa mga lokal na tanggapan na pang-agrikultura. Inihayag din ang planong magsagawa ng kahalintulad na kampanya para sa mga Bids and Awards Committee upang higit na mapahusay ang pagpapatupad ng Sagip Saka Act sa rehiyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










