Friday, April 3, 2026

Impormasyong nasa Sweden umano si dating AKO-Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, bini-verify na ng NBI

Bini-verify na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang impormasyong nasa Sweden umano si dating AKO-Bicol Partylist Representative Zaldy Co.

Ayon sa NBI, kabilang sa mga tinitingnan nila ang Sweden kasunod ng pinagmulan ng mga public document na isinumite ng abogado ni Co kaugnay ng petisyong inihain laban kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla noong Enero 25.

Sinabi ni NBI Spokesperson Palmer Mallari na tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa kanilang mga foreign counterpart upang makumpirma kung nagtungo o kasalukuyang naroroon sa naturang bansa ang dating kongresista.

Batay sa petisyon, makikita ang personal na pirma ni Co na isinagawa sa bayan ng Nacka, Stockholm, Sweden.

Matatandaang sinabi naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nasa Lisbon, Portugal umano ang dating mambabatas na nahaharap sa mga kaso kaugnay ng anomalya sa mga flood control projects.

Samantala, hinihingi rin ang pahayag at kumpirmasyon mula sa kampo ni Co hinggil sa dalawa pa umanong luxury vehicle na pagmamay-ari nito na natagpuan sa Albay, na siya ring home province ng dating kongresista.

Facebook Comments