Mariing pinabulaanan ni Atty. Yasser Ismail Abbas ng Import Assessment Services ng Bureau of Customs (BOC) na may kinalaman sya sa sinasabing agriculture smuggling.
Ito ang naging pahayag ni Abbas matapos maisama sa intelligence report na natanggap ni Senate President Tito Sotto na naglalaman ng pangalan ng mga smuggler.
Ayon kay Abbas ang kanyang trabaho bilang direktor ng Import Assessment Service ay walang kinalaman sa pagproseso o pagbibigay ng clearance o releasing ng agricultural products.
Binigyang diin pa ni Abbas na wala siyang kakayahan para mang impluwensya para sa smuggling ng agricultural products.
Hindi rin aniya siya naimbita sa anumang pagdinig ng Senado kaugnay sa smuggling ng agricultural products o nabigyan ng pagkakataong sagutin ang anumang alegasyon laban sa kanya kung mayroon man.
Una rito, 22 pangalan mula sa BOC at Department of Agriculture ang nakasama sa nasabing listahan na sangkot umano sa agricultural smuggling batay na rin sa intelligence report na natanggap ni outgoing Senate President Vicente Sotto III.