Kinastigo ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang Department of Agriculture sa palaging pagprayoridad sa importasyon sa tuwing magkakaroon ng kakulangan sa mga produktong agrikultura tulad ng bigas at karne.
Dismayado si Zubiri na sa apat na administration na nagdaan ay palaging polisiya ng DA na mag-import basta nagka-problema tulad ng outbreak ngayon ng African Swine Fever.
Binanggit ni Zubiri na dahil dito ay natatawag na ang DA bilang Department of Importation.
Ikinatwiran pa ni Zubiri na dahil sa Executive Order 128 ay malulugi ang mga magsasaka dahil sa babahang imported na pork products sa bansa at malulugi din ang gobyerno dahil sa mawawalang buwis bunga ng ibababang taripa sa pork importation.
Giit ni Zubiri, hindi importasyon ang sagot dahil ang dapat ay tulungan ang mga magsasaka natin kaysa tulungan ang mga magsasaka ng ibang bansa.
Ayon kay Zubiri, ang pag-angkat ay dapat kahuli-hulihang solusyon sapagkat ang dapat unahin ay pagtibayin ang ating agrikultura para makamit ang food security katulad ng ginagawa ng Thailand at Vietnam.