Importasyon, mas mabilis na papatay sa pork industry kaysa ASF

Nananawagan si Senador Imee Marcos sa gobyerno na harangin ang pork importers na manipulahin o imaniobra ang lokal na supply ng mga karneng baboy at tuluyang patayin ang negosyo ng mga magbababoy na Pinoy.

Giit ni Marcos, ang pagkatay sa kabuhayan ng mga lokal na hog raisers ay magsisimula kapag ipinatupad ng Department of Agriculture (DA) ang plano nitong itaas ng tatlong beses ang minimum access volume o dami ng pwedeng iangkat na baboy sa bansa sa mas mababang taripa, na ngayon ay nasa 54,000 metriko tonelada.

Para kay Marcos, tila O-A ang reaksyon ng DA sa pagmamadali nitong lakihan ang pag-import ng karneng baboy para mapababa ang presyo sa palengke.


Diin ni Marcos, maaari itong magdulot ng ‘coup de grace’ o tuluyang pagpatay sa industriya ng pagbababoy bago pa maipalabas ng Vietnam ang bakuna kontra sa African Swine Fever (ASF) sa huling bahagi ng taong ito.

Ipinunto ni Marcos na sa halip magmadali ang DA sa importasyon, ay mas dapat nitong bilisan ang imbestigasyon sa ‘hoarding’ o pag-ipit ng mga pork products na maaaring sanhi ng artipisyal na pagtaas ng presyo nito sa merkado sa gitna ng pagkalat ng ASF, partikular na sa Luzon.

Facebook Comments