Importasyon ng 440,000 metric tons na asukal, iginiit na sakop ng direktiba ng presidente

Iginiit ni Executive Secretary (ES) Lucas Bersamin na walang iregularidad sa 440,000 metriko toneladang imported na asukal na inangkat ng bansa.

Humarap si Bersamin at ang iba pang government officials sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs tungkol sa sinasabing government-sponsored sugar smuggling.

Paglilinaw ni Bersamin, ang pumasok sa bansa na asukal ay ligal na sakop ng direktiba ng pangulo at ito ay bahagi ng efforts ng gobyerno para makontrol ang inflation at mataas na presyo ng asukal sa merkado na nakakaapekto na ng lubos sa mga consumers.


Inako ni Bersamin na siya ang naglabas ng memorandum noong Enero 13 na nag-aatas sa Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng rekomendasyon sa presidente para sa ikalawang sugar importation program para sa taong 2022-2023.

Pinawi rin ni Bersamin ang pangamba sa importasyon ng asukal at nilinaw na hindi ito isang uri ng cartelization at hindi rin smuggling ng asukal.

Diin pa ni Bersamin, maraming paraan ng importasyon ng asukal at isa lang dito ang paglalabas ng Sugar Order mula sa SRA.

Aniya pa, maaari ding mag-import sa pamamagitan ng Minimum Access Volume o MAV, maaari ring mag-utos ng importasyon ang pangulo sa ilalim ng price act at direct order mula sa pangulo tulad nang nangyari sa importasyon ng 440,000 metric tons ng imported na asukal.

Facebook Comments