Pinalilimitahan muna ng isang mambabatas ang importasyon ng karneng baboy bunsod ng bagong uri ng swine flu mula sa China.
Ayon kay Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran, ang bagong G4 strain ng H1N1 swine flu ay nakaapekto na sa 10% ng mga nag-aalaga at nagnenegosyo ng baboy sa China at pinangangambahan din itong maging pandemya.
Dahil dito, umapela si Taduran sa gobyerno na bawasan ang importasyon ng karneng baboy at maglatag ng istriktong quality control sa mga karneng pumapasok sa bansa.
Giit pa ni Taduran, aabot sa 94% ang self-sufficiency ng Pilipinas pagdating sa karneng baboy kaya’t hindi na dapat kailangan ang pag-aangkat sa nasabing produkto.
Binigyang diin pa ng lady solon na mas dapat protektahan ng pamahalaan ang kalusugan ng mga Pilipino gayundin ang kabuhayan ng mga hog raisers, kaya nararapat dito ang agarang aksyon upang maiwasan ang pagsulpot ng bagong health crisis.