Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang importation permit para sa pag-aangkat ng sibuyas.
Pero ayon kay Department of Agriculture (DA) Deputy Spokesperson Rex Estoperez, sa halip na 22,000 metriko tonelada ay 21,060 metriko toneladang sibuyas na lamang ang aangkatin ng bansa.
Aniya, sa halip na pasobrahan, ang aangkatin na lamang ay kung ano ang kailangan.
Kasabay nito, sinabi ni Estoperez na dapat na dumating ang mga imported na sibuyas hanggang January 27 lamang.
Ito ay upang hindi maapektuhan ang peak harvest ng mga lokal na magsasaka na magsisimula na rin sa Pebrero.
“Yung dati kasi, sinabi natin na before the end of January or dapat ‘wag lang lumagpas maximum po ng first week of February, mukang ang inaprubahan po ay “must arrive” on January 27. So, wala na tayong pinag-usapan pa na lumampas don sa January 27 dahil kung strikto noon ay naging stricter pa ngayon. Kasi ang focus din natin ay protektahan yung ating harvest sa peak season ng ating mga onion growers,” paliwanag ni Estoperez.
Samantala, oras na dumating na ang mga imported na sibuyas ay maglalabas ang DA ng panibagong suggested retail price (SRP) nito.
Ayon kay Estoperez, posibleng ibaba nila ang SRP sa P100 hanggang P150 kada kilo.
“Yung P250 na itinakda natin, nag-expire na ‘to nung January 7. Pagdating ng ating mga sibuyas na in-import, malalaman natin pero hindi dapat bumaba doon sa cost of production ng ating mga magsasaka. Siguro tingnan natin on the level of September price pa. Mga P100 or P150 siguro,” dagdag ng opisyal.
Una nang ipinaliwanag ng DA na layon ng importation ng sibuyas na mapababa ang presyo nito sa merkado.