Tahasang sinabi ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na tanging mga tiwaling opisyal ng gobyerno ang nakikinabang sa importasyon sa sektor ng agrikultura.
Pahayag ito ni Pangilinan sa harap ng pasya ng Department of Agriculture na umangkat ng 60,000 metriko tonelada ng isda ngayong unang quarter ng taon.
Dismayado rito si Pangilinan lalo’t sinasabi ng ating mga mangingisda na sapat ang suplay ng isda sa bansa.
Bukod dito ay binatikos din ni Pangilinan ang desisyon ng DA na mag-import ng asukal kahit ngayon ay milling season ng asukal sa Pilipinas.
Mariin ang pagtutol dito ni Pangilinan dahil makikipag-kompitensya itong imported sa ating mga lokal na asukal na hindi tama.
Pinaalala rin ni Pangilinan ang ginawang pag-angkat ng DA ng karne ng baboy noong nakaraang taon sa pangakong pababain nito ang presyo ng pork sa bansa pero hindi naman nangyari at sa halip ay tumaas pa ang presyo.
Giit ni Pangilinan, kung hindi titigilan ng DA ang importasyon ay lalong magdurusa ang mamamayang Pilipino at patuloy na magugutom ang karamihan.