Arestado ang isang ginang sa Tondo Maynila matapos mahuling ginagamit ang 3-buwang gulang na anak upang itago dito ang hinihinalang shabu.
Kinilala ang suspek sa alyas na, “Cherry” na matagal na raw minamanmanan ng pulisya.
Ayon kay Charina Davin, isang barangay tanod, sinita umano ng awtoridad ang ginang habang bitbit nito ang sanggol.
Ani Davin, “Ang ginawa ko, kinuha ko ‘yung bata para buhatin. Pagbuhat ko, aksidente kong nahawakan ang paa ng bata tapos napansin ko na may tumutunog,”
Dagdag niya, sa medyas raw ng bata itinago ng ginang ang hinihinalang shabu.
Nang tanungin naman ng pulisya si Cherry, sinabi nitong gumagamit at nagtutulak siya ng droga para buhayin ang sanggol kabilang na ang pitong iba pang mga anak.
Nagmakaawa naman ang suspek na ibigay na lamang sa kaanak ang sanggol.
“Sana huwag nilang kunin ang anak ko. Sana ibigay na lang sa hipag ko ang nga anak ko, sana huwag ibigay sa DSWD,” ani Cherry.
Humaharap naman sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek at kasulukuyan na ring inihahanda ang kasong child abuse at child exploitation.
Ayon sa Women and Children Protection Desk ng Manila police District Station 1, posibleng idala ang sanggol sa Department of Social Welfare and Development.