*Cauayan City, Isabela-* Inamin ni Ginoong Primitivo Gorospe, Principal ng Cauayan City High School (CCNHS) na umapela sa kanyang tanggapan ang nanay ng biktima sa nangyaring rambulan kamakailan ng kanilang mga mag-aaral.
Ayon sa pag-amin ng prinsipal, hindi kumbinsido ang nanay ng biktima sa ipinataw na tatlong araw na suspension sa tatlong mag-aaral na pawang junior high school students.
Bagamat ang kasong ito ay maituturing na pagpalabag sa Republic Act 10627 o mas kilala sa Anti Bullying Act of 2013 ay hindi umano nila mapatawan ng isang taon na suspension ang mga offenders dahil may mga guidelines aniya na sinusunod ang kanilang pamunuan.
Ayon sa prinsipal, wala sa kanyang level o wala siyang kakayahang magpataw ng mas mabigat na parusa dahil maaari umano siyang makasuhan ng paglabag sa DepEd Order number 40 series 2012.
Nakasaad sa kautusang ito na maaaring makasuhan ng kasong administratibo ang sinumang lumabag dito.
Sa kabila nito, siniguro ni Ginoong Gorospe na maayos nila itong nai-paliwanag sa magulang ang kanilang desisyon.
Dagdag pa ng prinsipal na dumaan sa tamang proseso ang imbistigasyon sa pamamagitan ng kanilang Grievance Committee na binubuo ng faculty president, kinatawan ng mga PTCA, Alumni Association at maging ang Student Government.
Paglilinaw din ng prinsipal na ito palamang ang unang kaso na kinasangkutan ng mga offenders.