Manila, Philippines – Nababahala si ACT Teachers Rep. France Castro na mauuwi lamang sa pagdedeklara ng martial law sa buong bansa ang tuluyang pagturing sa NPA na teroristang grupo.
Ayon kay Castro, inaasahan nila na mauuwi ang deklarasyon na ito sa papapatupad ng batas militar sa buong bansa lalo pa`t naumpisahan na ang pagbibigay ng rekomendasyon ng AFP na i-extend pa ang martial law sa Mindanao.
Posibleng gamitin din laban sa crackdown o pagtugis sa mga aktibista ang deklarasyon ng Pangulo laban sa NPA.
Pinangangambahan din ang pagsasampa ng kaso sa mga progresibong grupo na sumusuporta sa NPA dahil maaaring pagbintangan ang mga ito na kasabwat ng grupo.
Samantala, sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na ang proklamasyon sa NPA ay hudyat na inaabanduna ni Pangulong Duterte ang peace process na matagal nang hinahangad ng NPA, maging ng buong bansa.
Nakakapanghinayang aniya na ang mga plano para sa pagwawakas ng limang dekadang pakikibaka ay mauuwi lamang sa wala.