Inabandonang Lider ng NPA, Patay matapos Atakihin sa Puso!

Cauayan City, Isabela – Kinumpirma ni Major Gladius Calilan*, *Commanding Officer ng 95th Infantry Batallion, 5th ID, PA na ang namatay noong Enero 20, 2019 sa Brgy. Dibuluan, San Mariano, Isabela ay isang miyembro ng New People’s Army (NPA).

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Major Calilan, kinilala ang nasawi na si Melencio Casisola na kilala bilang “Ka Milis”, 56 anyos, residente ng Brgy. Balliao, Benito Soliven at sumanib ito sa NPA noong taong 1980’s at naging Commanding Officer, Sangay ng Partidong Platoon (SPP) Central Front sa bayan ng San Mariano.

Aniya, noong buhay pa si Ka Milis ay dinala siya ng kanyang anim na mga kasamahang NPA sa bahay ni Medy Talosig sa Brgy. Dibuluan pero nang ito ay maatake sa puso ay idineretso sa isang punerarya sa Benito Soliven sa halip na dalhin sa pagamutan at agad ring namatay.


Nakakalungkot aniya dahil ang ginamit na pangalan sa punerarya ay ang pangalan ng nakababatang kapatid nito saka pinalitan din ng mga kaanak ng sumunod na araw sa totoong pangalan na Melencio Casisola.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing pangyayari.

Nananawagan naman si Major Calilan sa mga kababayan na nalinlang ng mga NPA na magbalik loob na lamang para mapakinabangan ang programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno at upang mamuhay ng mapayapa kasama ang pamilya.

Nagpapasalamat naman si Major Calilan sa mga mamamayan ng Isabela na patuloy na nagsusumbong sa panggugulo ng mga makakaliwang grupo.

Samantala, nailibing na ngayong araw ang bangkay ng nasawing NPA.

Facebook Comments