Mga Bagong Gusali ng Cagayan Valley Medical Center, Pinasinayaan!

Tuguegarao City, Cagayan – Pinangunahan ni Kalihim Francisco T. Duque III ng Kagawaran ng Kalusugan ang pagpapasinaya sa apat na bagong mga gusali sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC), Tuguegarao City, Cagayan noong Pebrero 7, 2019.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Dr. Glenn Mathew G. Baggao, pinuno ng CVMC sa eklusibong panayam ng RMN sa kanya.

Aniya, unang pinasinayaan ni Kalihim Duque ang bagong Cancer Center sa lambak ng Cagayan na pinondohan ng DOH na nagkakahalaga ng bilyong piso upang hindi na umano magtungo ang mga pasyenteng may cancer sa ibang ospital.


Pangalawa, ang Department of Behavioral Medicine na ginawang dalawang palapag na gusali na dating Psychiatry Department.

May bagong gusali naman para sa may mga sakit na Human Immunodeficiency Virus – Acquired Immune Deficiency Syndrome o HIV-AIDS.

Ipinatayo rin sa loob mismo ng naturang ospital ang Malasakit Center kung saan One-Stop Office ito para sa mga kababayan na walang kakayahan na gumastos para sa kanilang karamdaman at tutulungan sila ng ahensya ng gobyerno na kinabibilangan ng Social Welfare Office, Philhealth, DOH at PCSO.

Naniniwala naman si Dr. Baggao na mas matutulungan ang mga kababayan sa kanilang pagpapagamot at kanyang tiniyak na gagawin nila ang kanilang makakaya para makapagbigay ng magandang serbisyo.

Facebook Comments