Nakapili na ang kampo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng lugar para sa kanyang inagurasyon bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas sa June 30.
Ayon kay incoming Presidential Management Staff Secretary Zenaida “Naida” Angping, gaganapin ang inagurasyon ni Pangulong Marcos sa National Museum.
Paliwanag ni Angping, nagtugma ang lugar sa requirements na gusto ng pangulo para sa kanyang panunumpa.
Kasabay nito, sinabi ng opisyal na handa na ang kanilang preparasyon sa gagawing inagurasyon.
Itinayo ang National Museum na dating old legislative building noong 1926 kung saan naging venue rin ito ng inagurasyon nina dating Pangulong Manuel L. Quezon, Jose P. Laurel at Manuel Roxas.
Samantala, gaganapin naman ang inagurasyon ni Vice President-elect Sara Duterte sa hometown nito sa Davao City sa June 19.