Inakalang kagat ng insekto sa isang lalaki, senyales na pala ng cancer

FRANK600/GETTY IMAGES

Sagip-buhay ang desisyon ng isang lalaki sa Ohio na isangguni na sa doktor ang nananakit niyang pantal na inakalang kagat lamang ng insekto.

Napansin ni Mike Balla, 46, ang kakaibang sakit sa kanyang paa na pinaniwalaan niyang kagat ng insekto noong Agosto 2018.

Matapos ang dalawang linggong paghihirap; dalawang beses na reseta ng antibiotic mula sa magkahiwalay na clinic, at pagkonsulta sa kanilang family doctor, nag-desisyon si Balla na pumunta na sa ospital.


Ikinagulat ng pasyente nang sabihin ng doktor sa Cleveland Clinic Fairview Hospital na mayroon siyang cancer.

“I said, ‘You must be in the wrong room. I’m here for a bite on my foot,” ani Balla sa ulat ng Fox News.

Nadiskubreng ang pantal pala na iniinda ng pasyente ay hindi kagat ng insekto kundi indikasyon ng acute myeloid leukemia, uri ng cancer na pinupuntirya ang dugo at bone marrow at maaaring kumalat nang mabilis kung hindi maaagapan.

Inilipat si Balla sa main campus ng ospital sa parehong araw, kung saan agad din siyang isinailalim sa chemotherapy.

Tumigil ang pagkalat ng cancer sa loob lamang ng isang buwang gamutan.

Sumailalim din ang pasyente sa bone marrow transplant mula sa kanyang kapatid noong Disyembre.

Ngunit nitong Mayo, bumalik ang cancer ni Balla na muli rin namang nawala matapos ang ilan pang chemotherapy.

Ngayong cancer-free na, nais hikayatin ni Balla ang iba sa pamamagitan ng kanyang storya na huwag balewalain ang maliliit na problemang pang-kalusugan.

Ayon sa isang oncologist sa Cleveland Clinic, ang pagkakaroon ng sakit sa balat ay bihirang sensyales ng leukemia.

Sinabi niya rin na ang “acute” na kaso ay maaaring ikamatay ng pasyente sa ilang araw lang o linggo kung hindi agad maaagapan.

Facebook Comments