Inakalang snatcher na sumabit sa jeep, nanuntok pala ng manghihipo

843
Video from Ice Lee Almocera

Humarap kay Manila Mayor Isko Moreno ang lalaking nasa viral video na nanuntok ng pasahero habang nakalambitin sa umaandar na jeeney.

Sa kumalat na footage, aakalaing snatcher si Jomar Alingod dahil sa ginawang pagsampa sa pampasaherong sasakyan noong Linggo.


Batay sa Facebook post, naganap ang insidenteng pasado alas-6:30 ng umaga sa pagitan ng United Nations at Taft Avenue sa naturang siyudad.

Pero paglilinaw ni Alingod, sumabit at gumanti lamang siya sa taxi driver na nanghipo sa kaibigan niyang babae.

Ayon pa sa binata, sinubukan tumakas ng tsuper sa pamamagitan ng pagsakay sa jeepney.

Dagdag pa niya, kasama niyang tumugis sa umano’y manghihipo ang mga barkadang sina Edison Binucas at Richie Dacayana.

Hindi nakita sa video na nasa loob ang dalawa at binubugbog ang drayber na nambastos.

Kaya naman paliwanag ng alkalde sa publiko, hindi krimen ang nakuhanang insidente, kung hindi personal na alitan naman.

Dagdag pa ni Moreno, rumesponde lamang ang mga kalalakihan sanhi ng nangyaring pambabastos.

Pinayuhan din ng opisyal ang magkakaibigan na huwag ilagay sa kamay ang batas at magtiwala lamang sa pulisya at pamahalaang lungsod.

Nagkaayos na ang dalawang kampo at nagbayad ang salarin ng P700 bilang danyos sa nagawang pang-aagrabyado.

Facebook Comments

From Advertisers