Manila, Philippines – Mamayang hapon ay plano ni Senate President Tito Sotto III na ihain ang panukala na nagsusulong ng ikalawang package ng tax reform for acceleration and inclusion o TRAIN 2.
Magugunitang noong nakaraang Linggo ay sinabi ni Sotto na walang Senador ang nais mag-endorso sa TRAIN 2 dahil napaso na sila sa TRAIN 1 na nagkaroon ng epekto sa pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Pero ayon kay Sotto, nakumbinsi siyang isulong ang TRAIN 2 matapos niyang marinig ang paliwanag na walang itong ipapataw na dagdag na buwis.
Base sa panukala na mula sa Dept. of Finance ay target ng TRAIN 2 na ibaba sa 25 percent mula sa 30 percent ang corporate income taxes.
Itinatakda din sa TRAIN 2 ang pagbabawas sa tax incentives na ipinagkakaloob sa malalaking kompanya tulad ng exemption sa pagbabayad ng Value Added Tax.