Tinawag na galawang diktador at terorista ng grupong KARAPATAN ang inilabas na MO o Memorandum Order number 32 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iyan ay kasunod ng pagpapalawig ng state of lawlessness sa apat na lugar sa Visayas na malakas umano ang presensya ng mga miyembro ng CPP-NPA at NDF bukod pa sa Mindanao.
Ayon kay Christina Palabay, Secretary General ng KARAPATAN, bibigyang katuwiran lang umano ng kautusan na ito ang walang habas na pagpatay sa mga inosenteng sibilyan
Kasunod nito, sinabi rin ni Palabay na ang naging hakbang na ito ng Pangulo ay maituturing na ring paraan ng administrasyon upang palawigin pa ang termino nito sa pamamagitan ng pagkontrol niya sa mga bayan gamit ang puwersa ng military.
Sa kasalukuyan, nagtipon-tipon ang iba’t-ibang grupo sa Immaculate Conception Cathedral sa Quezon City para sa kanilang peace forum.
Dito, ipinanawagan ng grupo na palayain ang lahat ng mga political detainees at muling buhayin ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NPA at NDF.
Kabilang sa mga dumalo ang asawa ng NDFP Consultant Vicente Ladlad na si Fides Lim kung saan, hinamon nito ang administrasyong Duterte na patunayan ang bintang nito laban sa kanyang asawa.