Manila, Philippines – Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan ng tulong ng lehislatibo para mas maging matibay ang pagbabawal ng ENDO sa bansa.
Ito ay sa kabila ng paglagda ng Pangulo kanina ng isang Executive Order na siyang naguutos ng mahigpit na pagpapatupad ng mga nakapaloob sa Labor Code.
Sa talumpati ni Pangulong Duterte sa Cebu kanina ay sinabi nito na oras na para amyendahan ng Kongreso ang Labor Code at i-akma na ito sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
Sinabi ng Pangulo na ang kanyang nilagdaang EO ay mayroong hangganan dahil ang kapangyarihan lamang ng ehekutibo ay ipatupad ang mga umiiral na batas sa bansa.
Pero sinabi din naman ni Pangulong Duterte na malaki ang maitutulong ng kanyang nilagdaang Executive Order para mapagaan ang problema ng mga manggagawa sa ENDO.
Paliwanag ng Pangulo, hindi sapat ang Executive Order dahil kung ang kailangan ay baguhin o tanggalin ang isang probisyon sa Labor Code ay lehislatibo lamang ang makagagawa nito kaya inirerekomenda din niya na pagaralang mabuti ng lehislatibo ang labor code para maitama ito.