Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Regional Director Flor Olet, kontra aniya ito sa House Bill No. 10576 o ang “Human Rights Defenders Protection Act” na ipinasa ng kamara dahil sa nakikitang ibang layunin at pansariling interes ng mga nagpanukala.
Kanyang sinabi na maganda lamang pakinggan ang titulo ng naturang house bill subalit ipinaliwanag nito na kung susuriin ay iba ang intensyon nito.
Ibinahagi nito na may parte sa ipinanukalang batas na halos sinapawan na nito ang Bill of Rights na nasa Konstitusyon ng Pilipinas.
Nakakatakot aniya na ang mga karapatan ng mga ordinaryong Pilipino ay masapawan lamang ng mga nagpapanggap na Human Rights Defender.
Kinuwestiyon rin nito ang pagbuo sa naturang bill dahil mayroon naman aniyang Human Rights Commission na mag-iimbestiga at tututok sa mga paglabag sa karapatang pantao.
Ayon pa kay RD Olet, nakikita nito na ang gusto lamang proteksyunan ng House Bill No. 10576 ay ang mga nagpapanggap na Human Rights Defender at makikinabang lamang ang mga komunistang grupo sa naturang panukala.
Ang Human Rights Defenders Protection Act ay ipinanukala nina Albay 1st District Representative Edcel Lagman na pangunahing may-akda ng House bill 15; Quezon City 6th District Representative Jose Christopher “Kit” Belmonte; Makabayan Bloc, Bayan Muna Representatives Carlos Zarate, Eufemia Cullamat, at Ferdinand Gaite; Gabriela Representative Arlene Brosas, ACT Teachers Representative France Castro, at Kabataan Representative Sarah Elago.
Ikinalungkot naman ni NICA-2 RD Olet ang pag-apruba sa naturang bill dahil nagawang naloko ng mga left-leaning organizations ang Kongreso na maglalagay lamang sa kapahamakan ng taong bayan.
Hiniling nito ang dasal at suporta ng taong bayan para hindi na ito maiakyat sa senado at hindi na ito tuluyang maisabatas.