Pasok sa 180 days na nakasaad sa batas ang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pasukan para sa School Year 2024-2025.
Mensahe ito ni House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Party-list Representative France Castro makaraang ihayag ni Pangulong Marcos na July 29, 2024 magsisimula ang pasukan hanggang April 15, 2025.
Para kay Castro, sapat na ito para hindi na ikonsidera ng Department of Education ang pagsasagawa ng klase tuwing Sabado.
Kasabay nito ay umapela si Castro, na pagtuunang pansin ng gobyerno ang maraming problema na kinahaharap sa sektor ng edukasyon.
Pangunahing tinukoy ni Castro ang pagkuha ng mga dagdag na guro at pagtatayo ng dagdag na school building.
Diin pa ni Castro, kailangan ding siguraduhin na may sapat na ventilation ang mga silid-aralan para sa panahon na matindi ang nararanasang init.