Aprubado na sa House Committee on Senior Citizens ang panukala na layong mailibre sa buwis ang mga senior citizen sa bansa.
Nakalusot sa komite ang House Bill No. 8832 o ang panukalang “Income Tax Exemption for Senior Citizens Act” na layong amyendahan ang National Internal Revenue Code of 1997 para ma-exempt sa income tax ang mga senior citizen.
Kapag naging ganap na batas, masasakop nito ang holiday pay, overtime pay, night shift differential pay at hazard pay.
Naniniwala si Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo Ordanes, may akda ng panukala, na malaking bagay na mailibre sa income tax ang mga nakatatanda.
Tinukoy ng kongresista na marami sa mga senior citizens ang hindi na-e-enjoy ng husto ang kanilang retirement pay dahil nauubos ang kanilang ipon mula sa nagtataasang halaga ng mga bilihin at serbisyo.