Incoming CBCP President Bishop David, umapela na payagan ang mga kaanak ng nasawi sa COVID-19 na bumisita sa mga sementeryo sa Undas

Umapela si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President-Elect Bishop Pablo Virgilio David na payagan ang mga kaanak ng mga nasawi dahil sa COVID-19 na makabisita sa kanilang mahal sa buhay pagsapit ng Undas.

Ayon kay Bishop David, humihiling siyang mabigyan ng special permits ang mga kaanak na namatayan ngayong pandemic at makapunta sa mga sementeryo at kolumbaryo sa Nobyembre 1 at 2.

Maaari naman aniyang magpresinta ng death certificate at bigyan ng special COVID pass ang mga dadalaw.


Paliwanag ng Obispo, hindi pa kasi nabibigyan ng pagkakataon na magluksa ang mga pamilya lalo na’t sarado rin ang mga sementeryo noong Undas ng nakaraang taon.

Una nang inihayag ng Department of Interior and Local Government (DILG) na sarado lahat ng sementeryo sa buong bansa simula sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao at pagkahawahan ng COVID-19.

Facebook Comments