Personal na pumunta si incoming House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez para magbigay ng kanyang huling respeto sa yumaong dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe.
Binisita ni Romualdez ang official residence ng Japanese Ambassador to the Philippines Koshikawa Kazuhiko para makidalamhati at magbigay ng kanyang pagkilala kay Abe na itinuturing na mabuting kaibigan ng mga Pilipino.
Nagbigay rin ng simpatiya ang kongresista sa naiwang maybahay ni Abe na si Ginang Akie Abe, sa mga kaanak, sa gobyerno at sa mga mamamayan ng Japan.
Inalala rin ng mambabatas ang pagmamahal, pagmamalasakit at kabutihan ni Abe sa mga Pilipino at ang malaking papel nito sa matatag na relasyon ng Pilipinas at Japan.
Si Abe ay nasawi sa edad na 67 matapos barilin habang nasa gitna ito ng kanyang talumpati sa isang campaign event sa Nara, Japan.