Increase sa GDP, masyado pang maaga para ipagbunyi

Para kina Senator Grace Poe at Senator Joel Villanueva, masyado pang maaga para ipagbunyi ang naitalang 11.8 percent na Gross Domestic Product o GDP sa ikalawang quarter ng taon.

Paliwanag ni Poe, maaring ito ang pinakamataas na paglago ng ekonomiya simula noong 1988 pero huwag nating kaligtaan na hindi pa bumabalik ang kalagayan ng bansa bago ang COVID-19 pamdemic.

Giit ni Poe, mararamdaman lang din ito ng mamamayan kung magagamit ng gobyerno ang nakokolektang buwis para bayaran ang mga ospital at health workers at tiyaking hindi mawawala ang mga trabaho.


Sabi naman ni Senator Villanueva, ito ay isang magandang senyales pero walang katiyakan kung magtutuloy-tuloy dahil umiiral muli ang Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region o NCR Plus at iba pang malalaking lugar sa bansa kung saan naroon ang malaking bahagi ng economic activities.

Diin ni Villanueva, nakasalalay ang pagbangon ng ekonomiya sa ating kakayahan na mapigilan ang pagkalat ng virus at mapabilis ang pagbabakuna.

Dagdag pa ni Villanueva, dapat ding paghusayin ang contact tracing para matukoy ang mga lugar na matindi ang pagkalat ng COVID-19 para isailalim sa localized lockdowns sa halip na palaging ipatupad ang pangmalawakang ECQ.

Facebook Comments