Provincial bus ban sa EDSA ipinagpaliban

Image via Victory Liner FB page

Inihayag ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang indefinite postponement sa provincial bus ban na bumabagtas ng Epifanio de los Santos Avenue o EDSA.

Ayon kay MMDA Traffic Manager Bong Nebrija, ang naka-schedule na bagong traffic scheme ngayong Hunyo ay sinuspinde matapos hindi maisagawa ang dry run noong nakaraang buwan.

Puwede pang magsakay at magbaba ang mga provincial bus sa Metro Manila sa kanilang terminal.


Kahit na-postpone, sinabi ni Nebrija na tuloy pa rin ang kanilang paghahanda kasama ang koordinasyon sa ibang ahente ng pamahalaan.

“In the absence of any resolution stopping us from implementation of this policy then we will continue with our preparation and proceed as planned,” payahag ni Nebrija.

“Again it is the LGU (local government unit) who will be closing these terminals as to when we can only hope that it would be soon,” dagdag pa niya.

Hinihintay ng MMDA ang revised city bus routes pati ang bagong fare matrix mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang bagong traffic scheme na magbabawal sa lahat ng provincial buses sa pagsakay at pagbaba sa mga pangunahing daan ay binatikos ng maraming netizens at mga mambabatas.

Sa panukala, ang mga bus na manggagaling sa hilagang Luzon ay magbababa na lamang ng mga pasahero sa terminal sa Valenzuela City, habang ang mga manggagaling sa timog ay sa mga terminal naman ng Sta. Rosa, Laguna o Parañaque City.

Mula sa mga nasabing terminal, muli silang sasakay ng bus para makarating ng Maynila.

Nitong Lunes, hiniling ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda sa Korte Suprema na mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) laban sa panukalang traffic scheme. Naghain din ng parehong request noong Abril ang mga kinatawan ng Ako Bicol party-list para pigilan ang bus ban.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ang provincial buses ay limang porsiyento lamang sa kabuuang bilang ng mga dahilan ng traffic sa 23-kilometer stretch ng EDSA.

Facebook Comments