Manila, Philippines – Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Pilipinas sa naganap na ASEAN EU Summit kanina matapos banggitin ni European Union Council President Donald Tusk ang Human Rights issue sa bansa sa kanyang opening statement sa ASEAN-EU 40th Commemorative Summit.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, iginiit ni Pangulong Duterte sa EU na bukas siya sa pakikipagtulungan dito sa ngalan ng paggalang sa usaping panloob at kalayaan ng isang bansa.
Binigyang diin din naman aniya ni Pangulong Duterte ang kahalagahan na maisulong ang drug free ASEAN sa paraan na katanggap-tanggap sa lahat ng bansa.
Iginiit din aniya ni Pangulong Duterte na kailangang itrato bilang isang transnational issue ang problema sa iligal na droga.
Bukod sa EU ay nabanggit din sa bilateral meeting ni Pangulong Duterte at US President Donald Trump ang issue ng karapatang pantao at sa maigsing paguusap ni Pangulong Duterte at Canadian Prime Minister Justin Trudeau.