Bubuo ng isang independent committee ang pamahalaan para i-monitor ang kaligtasan ng clinical trials ng Coronavirus Disease 2019 vaccine sa bansa.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Fortunato dela Peña, irerekomenda ng sub-Technical Working Group sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbuo ng Safety at Monitoring committee, kasama ang sponsor ng clinical trial team na siyang magmo-monitor sa kaligtasan ng bakuna.
Tinukoy naman ni Dela Peña ang walong zones na inaprubahan ng IATF kung saan magaganap ang clinical trials ng Bakuna.
Sa Maynila, ito ay gagawin sa Philippine General Hospital (PGH), San Lazaro Hospital at sa Manila Doctors Hospital.
Sa Quezon City ay gagawin sa Lung Center of the Philippines at sa St. Luke’s Medical Center.
Sa south ay sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at sa Makati Medical Center.
Sa gawing Pasig, San Juan, Pateros, Taguig ay sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City kasama na ang The Medical City.
Sa Cebu ay gagawin sa Vicente Sotto Memorial Medical Center at sa Chong Hua Hospital.
Sa CALABARZON ay gagawin sa De La Salle Health Sciences Institute at sa Davao ay ang Southern Philippines Medical Center.
Sa kasalukuyan, lumagda ang Pilipinas sa limang confidentiality data agreements para sa limang bakuna, kabilang ang Seqirus ng Australia, Gamaleya ng Russia, Addimune mula Taiwan, Sinovac at Sinopharm ng China.