India, planong magtayo ng sariling space station

via ISRO

Habang naghahanda para sa unang human mission sa kalawakan, nagpaplano na rin ang India na magtayo ng sarili nilang maliit na space station sa 2030.

Ipinahayag ni Indian Space Research Organisation (ISRO) chief K. Sivan na gagawin ito kung sakaling maging matagumpay ang kanilang manned space flight na nakatakda sa 2022.

Iginiit ni Sivan na maliit lang ang planong space station at wala umano silang balak buksan ito para sa mga turista.


“Our space station is going to be very small… useful to carry out experiments. We are not having a big plan of sending humans on tourism and other things,” ani Sivan.

Matatandaang inanunsyo ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) na bubuksan nila ang International Space Station para sa mga gustong magbakasyon dito.

Nakatakda sa 2022 ang unang manned space mission ng India na tinawag na ‘Gaganyaan’ na magkakaroon ng dalawa hanggang tatlong astronaut sa pitong araw na mission.

Noong 2008, matagumpay ang kauna-unahang lunar mission ng nasabing bansa na malaki ang naging ambag sa pagkadiskubre ng water molecules sa buwan.

Facebook Comments