Indian National, Patay Matapos Mabundol!

*Cauayan City, Isabela*- Patay ang isang papatawid na Indian National matapos mabangga ng sasakyan sa pambansang lansangan ng Brgy. Cansan, Cabagan, Isabela.

Dakong alas 7:40 kagabi nang mabundol ng Toyota Innova na may plakang AEZ 276 ang biktima na si Pradiip Kumar, 42 taong gulang, may-asawa, negosyante, at residente ng Brgy. Casibarag Norte, Cabagan, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, patungong North direction ang sasakyan na minamaneho ni Marvin Baiza, 29 taong gulang, binata, residente ng Brgy Cadaanan, Solana Cagayan at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay nabangga nito ang biktima na tumatawid sa kalsada.


Hindi umano napansin ng suspek na mayroong tumatawid sa kalsada.

Dahil dito, nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang biktima na agad namang isinugod ng kasamahan nito sa ospital subalit binawian din ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek maging ang sasakyan para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments