Indian National sa Santiago City, Isabela, Natagpuang Patay sa kanyang Apartment!

*Santiago City, Isabela- *Naliligo na sa sariling dugo ang wala ng buhay na Indian National nang matagpuan sa kanyang inuupahang apartment sa Centro West, Santiago City, Isabela pasado alas tres kaninang madaling araw.

Kinilala ang biktimang Indian National na si Jindi Singh, bente syete anyos, binata, habang ang umanoy suspek at bayaw naman nito ay kinilalang si Surinder Singh, kwarenta anyos, pawang mga negosyante at kasalukuyang nakatira sa isang apartment sa Centro West, Santiago City.

Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan sa Santiago City Police Station 1, duguan at wala ng buhay nang matagpuan ng mga rumespondeng pulis si Jindi Singh sa loob ng kanyang inuupahang apartment at dito rin nakita ang tumatakbong bayaw upang umiwas sa mga pulis subalit agad rin itong nahuli.


Napag-alaman ng kapulisan na nagtamo ng mga saksak, palo at sunog sa katawan ang biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Nasa kustodiya na ng PNP Santiago City ang tinitignang suspek na si Surinder Singh dahil na rin sa mga nakitang bakas ng dugo sa kanyang damit at siya lamang umano ang nakakasama ng biktima sa kanilang inuupahan.

Sa ngayon ay kasalukuyan pa rin ang isinasagawang pagsisiyasat ng kapulisan hinggil sa pagkamatay ni Jindi Singh maging ang motibo sa pagpatay sa naturang biktima.

Facebook Comments