Sa ating panayam kay PLt Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Cauayan City Police Station, ang kanilang isinagawang indignation rally ay kasabay ng ika-limamput tatlong anibersaryo ng New People’s Army o NPA na kung saan ay importante aniya na mapaalalahanan ang mga kabataan para malayo sa kamay ng mga makakaliwang grupo dahil sila aniya ang madalas na tinatarget na rekrutin ng mga prente ng teroristang grupo.
Ito ay para maihayag din ng mga kabataan ang kanilang saloobin na ayaw na nila sa mga terorista. Isinulat ng mga kabataan ang kanilang mensahe na ayaw ng Pilipino ang terorismo, at tapusin na ang pananakot ng mga rebeldeng grupo.
Bahagi ng naturang aktibidad ang panalangin na pinangunahan ni Pastor Alex Manipon na kung saan ay ipinagdasal nito ang mga kabataan na sana ay huwag silang lumahok sa makakaliwang grupo upang sa ganon ay hindi na aniya sila madagdagan at hindi masira ang kanilang buhay.
Ipinanalangin din ng Pastor ang mga nabiktima ng CPP-NPA na nasawi dahil sa mga engkuwentro. Ipinaliwanag pa ni Topinio na mahalagang magsagawa ng indignation rally para maipakita sa publiko na wala ng may gusto sa mga NPA bagkus ay hindi na sila welcome sa komunidad.
Kaugnay nito ay patuloy naman ang information dissemination ng kapulisan sa mga barangay dito sa Lungsod ng Cauayan para matiyak na mailayo ang mga kabataan at iba pang mamamayan kaugnay sa mga ginagawang pakulo at recruitment strategy ng mga leftist.
Mensahe naman nito sa mga kapulisan at sa mga kabataan na huwag magpalinlang sa ginagawang recruitment ng mga makakaliwang grupo bagkus ay mag-aral na lamang ng mabuti dahil nasa sa atin lamang aniya nakasalalay ang magandang kinabukasan.
Paalala din nito sa mga magulang na ba nintayang maigi ang mga anak lalo na sa mga grupong sinasalihan para hindi sila mahikayat ng mga NPA.