Cauayan City, Isabela- Nagsagawa ng Indignation Rally ang mga residente sa Barangay Cabatacan at New Orlins sa bayan ng Lasam, Cagayan na layong kondenahin ang ika-52 taong dulot na karahasan ng mga miyembro ng CPP-NPA.
Nakiisa rin ang mga kasundaluhan ng 17th Infantry Battalion at PNP para sa ‘Candle Lighting’ at pag-aalay ng dasal katuwang ang mga katutubong Agta sa mga bayan ng Rizal at Barangay Calassitan, Sto. Niño upang alalahanin ang mga inosenteng indibidwal na nasawi sa karahasan at pagmamalupit umano ng mga teroristang NPA.
Kasabay rin nito ang isinagawang Declaration of Solidarity for the Condemnation and National Call for Outrage na layong ipanawagan na wakasan ang terorismo sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni MGen. Laurence Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army na ang anibersaryo ng NPA ay paalala lamang sa 52-taon na pahirap sa bayan, limampu’t dalawang taon din na panlilinlang, pang-aabuso sa mamamayan, at kasinungalingan sa taumbayan.
Panawagan ng opisyal sa mga miyembro at sumusuporta sa teroristang NPA na piliin nila ang tunay na kaunlaran at makatotohanang kapayapaan.