Industriya ng Baboy sa Lambak ng Cagayan, Muling Sumigla!

Cauayan City, Isabela – Muling nabuhayan ang matamlay na industriya ng baboy sa Cagayan Valley.

Ito ay batay sa ulat ng Department of Agriculture (DA) Region 2 mula April 2 to 27, 2020.

Batay sa ulat, nakapagbiyahe ang lambak ng Cagayan ng 1,551 baboy sa iba’t ibang rehiyon kasama na ang NCR sa loob lamang ng panahong ito.


Ayon kay DA Regional Executive Director Narciso A. Edillo, ito ay bilang tugon sa kahilingan ni Agriculture Secretary William D. Dar na gawing tuloy tuloy ang inter-regional at inter-island na transportasyon ng mga baboy para masiguro ang sapat na supply ng pagkain para malabanan ang pangambang dulot ng COVID-19 pandemic.

Tiniyak naman ni Dr. Zaldy Olivas, Regional Veterinary Quarantine Officer of the Bureau of Animal Industry (BAI), patuloy pa rin silang susunod sa mahigpit na protocol sa pagbibiyahe ng mga baboy para hindi na muling mabuhay ang kusa nang namamatay na sakit na African Swine Fever (ASF).

Ayon kay Dr. Olivas, ligtas ang mga baboy mula sa rehiyon dos at umaasa siyang tuluyan nang mawala ang sakit sa lalong madaling panahon.

Pinasalamatan naman ni DA Dir. Narciso A. Edillo ang publiko at pribadong sector ng pagbababoy sa tiyaga ng mga itong buhayin ang industriya sa kabila ng malaking pagkalugi dulot ng ASF sa unang bahagi ng taon.

Naniniwala si Edillo na tuloy-tuloy na ang ipinapakitang pagbangon ng hog sector.

Maliban sa baboy, maganda rin ang ipinapakita ng poultry industry sa rehiyon.

Sa katunayan, regular ang imbentaryo nila sa mga itlog at poultry product na ibinibiyahe sa ibat ibang lugar ng bansa.

Sa ngayon ay may kabuuang 46,000 table eggs, 619,089 hatching eggs at 185,484 dressed chickens ang dinala sa ibat ibang bahagi ng Luzon kasama na dito ang NCR at Regions 1 at 3.

Facebook Comments