Industriya ng sapatos sa Marikina City, planong buhayin ni Mayor Isko Moreno;
Plano ngayon ni Mayor Isko Moreno, na buhayin ang industriya ng sapatos sa Marikina City sakaling manalo sa 2022 Elections.
Gagawing diskarte ni Yorme, ang panawagan sa pambansang pamahalaan na bumili ng mga lokal na sapatos para sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan at empleyado ng gobyerno.
Tinutukoy ni Mayor Isko, ang Republic Act No. 9290 or An Act Promoting the Development of the Footwear, Leather Goods and Tannery Industries Development.
Kinikilala ng R.A 9290, na ang mga industriya ng tsinelas, leather goods at tannery ay may potensyal na makabuo ng trabaho sa pamamagitan ng kanilang pinagsama-samang pag-unlad, at pataasin ang mga kita ng foreign exchange ng bansa sa pamamagitan ng mga export at import substitutes.
Ito ay naaayon sa patakaran ng Estado na suportahan, isulong at hikayatin ang paglago at pag-unlad ng mga maliliit at katamtamang mga negosyo (SME) na kabilang sa mga industriyang ito.
Ito ang naging pahayag ni Mayor Isko, matapos magsagawa ng informal dialogue kasama ang mga tagagawa at manggagawa ng sapatos.
Ayon sa Marikina shoe industry, karamihan sa local shoemaker’s ay malapit nang magsara dahil sa pagdating ng imported na sapatos mula China.