Manila, Philippines – Positibo ang naging tugon ng mga manufacturer ng basic necessities at prime commodities sa pagnanais ng gobyerno na mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay DTI Undersecretary for Consumer Protection Group Ruth Castelo, nakausap na nila ang mga kinatawan ng 235 na produktong kasama sa pinalawak na listahan ng Suggested Retail Price.
Hiniling ng gobyerno sa mga ito na huwag muna sila magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto sa loob ng tatlong buwan o hanggang sa katapusan ng taon.
Sabi pa ni Castelo malaki ang maitutulong ng hakbang na ito para maprotektahan at matulungan ang ating mga kababayan sa patuloy na banta ng pagtaas ng inflation, kakulangan ng suplay ng bigas at iba pang pangangailangan ng mga Pinoy.
Dagdag pa nito na may pangako na silang nakuha mula sa mga manufacturer ng kape, noodles, sabong panglaba, sabong pang ligo, soy sauce, patis, suka at mga tinapay.