Ikinatuwa ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabahong Pilipino nitong Seytembre batay sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Salceda, mainam na bumababa ang unemployment rate, kahit nananatiling “fluid” o walang katiyakan ang sitwasyon ng paggawa sa bansa.
Tinukoy ni Salceda na dahilan nito ang “usual surge” sa demand na karaniwang nag-uumpisa tuwing Setyembre hanggang sa katapusan ng taon, gayundin ang pagbabalik ng face-to-face classes, mas maraming bumabalik sa opisina, at ang transition ng pandemic tungo sa endemic lalo na sa sektor ng turismo.
Gayunpaman, ibinabala ni Salceda na sa gitna ng nararanasang recovery ay nananatiling kalaban ang “inflation” o mabilis na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Diin ni Salceda, nakakaapekto ang inflation sa paglago at sa kakayahang bumili o gumastos ng mga manggagawa lalo na ang mga baguhan sa trabaho.
Bunsod nito ay iminungkahi ni Salceda na para maparami ang trabaho at malabanan ang inflation ay kailangang tutukan ang food supply, fuel efficiency at feed prices.