Manila, Philippines – Umapela si House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Henry Ong kay Pangulong Duterte na ipasuspinde muna ang regulasyon ng BIR sa pagpapataw ng excise tax sa fuel hanggang sa susunod na taon.
Ito ay bunsod na rin ng pananatili ng mataas na inflation rate sa 6.7% ngayong Oktubre.
Giit ni Ong, dahil sa hindi pagbaba ng inflation ay mas kailangan na ngayong magpatupad ng mga anti-inflation measures.
Naniniwala si Ong na bagamat maganda ang intensyon ng TRAIN Law, nakaapekto ng masama dito ang pagtaas ng presyo ng langis sa world market at pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.
Bunsod nito ay umapela si Ong na ipagpaliban muna ang implentasyon ng excise taxes sa fuel ngayong 2018 at 2019.
Dahil hindi naman pwedeng isuspinde ng Pangulo ang TRAIN Law, sinabi ng kongresista na ang maaaring gawin ng Presidente ay ipag-utos sa Department of Finance ang suspensyon ng revenue regulations ng BIR sa tax sa fuel at isailalim ito sa rebisyon para maibsan ang epekto ng inflation.