Inflation rate sa bansa, lalong tataas kapag pinayagan ang taas sa pasahe sa jeepney – NEDA

Nagbabala ang National Economic and Development Authority (NEDA) na lalo pang tataas ang inflation rate sakaling mapaburan ang hirit na taas-pasahe ng mga pampublikong jeepney.

Ito’y kasunod ng isinasagawang pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa hirit na dagdag-singil sa pasahe ng mga jeep.

Ayon kay NEDA Director Reynaldo Cancio, makakadadagdag sa inflation rate ang anumang taas sa pasahe sa mga transportasyon.


Sa isinagawang simulation ng NEDA, kapag naaprubahan ang P1 dagdag-pasahe sa National Capital Region (NCR), Region 3, Region 4A, at Region 4B ay makakaapekto ito sa inflation ng 0.3% hanggang 0.6% at kapag pinayagan naman ito sa buong bansa ay tataas na sa 0.5% hanggang 1% ang inflation rate ngayong 2022.

Nasa 0.6% hanggang 1.4% ang itatataas kung isasama ang lahat ng uri ng pampublikong transportasyon.

Sa ngayon, nakikita ng NEDA na lalagpas sa 4% ang inflation rate ngayong 2022 o posibleng umabot pa sa 5% batay sa pagtataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Samantala, nagpapatuloy naman ang pagdinig ng LTFRB sa hirit na gawing P11 ang minimum na pasahe sa jeepney.

Facebook Comments