Ipinasisiyasat ni Senator Robinhood Padilla ang pagiging epektibo ng information at awareness campaign ng pamahalaan tungkol sa epekto ng El Niño sa bansa.
Inihain ni Padilla ang Senate Resolution 987 kung saan binibigyang direktiba ang Senate Committee on Public Information and Mass Media na silipin ang pagiging epektibo ng pagpapakalat ng impormasyon ng gobyerno para sa paghahanda sa epekto ng El Niño.
Iginiit ni Padilla na dapat ay batid ng mga Pilipino ang mga up-to-date at mga kailangang paghahanda at pagtugon ng national at lokal na pamahalaan ngayong humaharap ang bansa sa mapanganib na lebel ng heat index na dulot pa rin ng El Niño phenomenon.
Mahalaga aniya ang awareness campaign upang matiyak na ang publiko ay “well-equipped” at may sapat na kaalaman para matulungan na maibsan ang adverse effect ng ganitong extreme weather condition.
Tinukoy ni Padilla ang datos mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na 37 lugar na sa bansa ang nakararanas ng matinding tagtuyot at nasa tatlong libong mga magsasaka at mangingisda sa Negros Occidental ang apektado ng El Niño.