Dumulog sa tanggapan ng pulisya ang isang estudyante matapos diumanong mabiktima ng lalaki na nagngangalang Jonathan De Asis residente ng Brgy. Sabutan sa Silang, Cavite na hinihinalang namang scammer.
Nangyari ang nasabing insidente matapos kumbinsihin ng isang nagngangalang Nomer Saltico ang biktima na mag-invest ng limang libo (P5, 000) sa isang cash bonding na pinamumunuan ng kanyang kasamahan na si Jonathan De Asis at sa loob ng sampung araw ay madodoble ang halagang ininvest nya sa mga ito. Nagpakita rin diumano si Saltico ng isang cash payout mula sa isang bangko bilang patunay na totoo ang kanilang pakay. Kalaunan nama’y nagpalitan na ng mensahe ang biktima at ang suspek at matapos makumbinsi nga ang biktima ay nagpadala na ito ng perang nagkakahalaga ng P20, 000 at sa sumunod ay muli itong nagbigay ng P31, 000 na inaakala ng biktima na madodoble na sa susunod na araw.
Saka lamang nalaman ng biktima na naloko sila matapos magbigay ng mensahe ng pasasalamat ang suspek sa kanyang mga naging biktima sa sinasabing group chat ng mga ito at doo’y nagdeactivate at pinutol na nito ang anumang komunikasyon. Nakikipagkasundo na sa kasalukuyan ang estudyante sa iba pang mga naging biktima ng suspek sa pamamagitan ng kanilang group chat.
Pinaalalahanan ng mga awtoridad na wag basta basta maniniwala sa mga ganitong istilo ng pagiinvest upang maiwasan ang sitwasyon gaya ng nangyari sa estudyante.
Ulat ni Crystal Mae Aquino
Photo-credited to Google Images