Manila, Philippines – Sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Jose Dino ay naghain ng omnibus motion sa Senate Committee on Ethics si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Ito ay para hilingin na mula sa komite na ilipat sa Committee of the Whole ang inihain niyang ethics complaint laban kay Senator Panfilo Ping Lacson.
Ito ay makaraang magdesisyon ang komite na pinamumunuan ni Senator Tito Sotto III na isasantabi nila ng mga reklamong inihain ni Faeldon hanggat hindi ito humaharap muli sa pagdinig ng Senado ukol sa mga anomalya sa Bureau of Customs.
Sa motion ay iginiit na iligal at labag sa rules ng komite ang pagsantabi sa reklamo ni Faeldon para paboran ang obsession ng miyembro nito na siya ay sirain.
Binigyang diin pa sa motion ni Faeldon na hindi rin dapat nagbibigay ng kondisyon ang komite sa mga naghahain ng reklamo laban sa mga senador.
Ikinabahala din ni Faeldon ang pagsuporta ni Sotto sa katwiran ni Lacson na protektado ito ng immunity nang siya ay akusahan sa pamamagitan ng privelege speech ng pagtanggap ng tara at iba pang anomalya sa BOC.
Punto ni Faeldon, bilang chairman ng komite dapat ay maging patas si Sotto sa halip na proteksyunan ang mga miyembro nito.