Manila, Philippines – Inaalam pa sa ngayon kung biktima ng food poisoning ang dalawampu’t dalawang indibidwal na isinugod sa pagamutan matapos kumain sa isang ihawan sa Maynila.
Ayon kay Manila Police District Station-7 Chief Police Supt. Roland Gonzales, sabay-sabay na nakadama ng pagkahilo at sumakit ang tiyan ang mga biktima matapos kumain ng isaw ng manok, dugo, at tenga ng baboy sa isang ihawan sa Jose Abad Santos Avenue.
Karamihan sa mga biktma ay mga menor de edad at ang pinakabata ay dalawang taong gulang lamang.
Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang tindera ng ihawan, habang kumuha na rin ng food sample ang sanitary inspectors para suriin ang mga kinain ng mga biktima.
Samantala, pinayagan nang makauwi ang ilan sa mga biktima matapos mabigyan ng lunas.