Nadagdagan ang inilaang pondo ng pamahalaan sa Flood Management Program ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2024 proposed national budget.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na para sa susunod na taon naglaan ang pamahalaan ng ₱215.6 bilyon para sa Flood Management Program.
Ito ay mataas kung ikukumpara sa ₱185 bilyon para sa 2023 national budget o para sa pondo ngayong taon.
Bukod sa proposed national budget na ito mayroon pang tulong ang ibang bansa partikular ang Korea para sa dalawang proyektong reresolba sa malawakang pagbaha tuwing nakakaranas ng malakas na pag-ulan.
Ang dalawang proyektong ito ayon kay Pangandaman ay ang Pampanga Integrated Disaster Risk Resilience project at ang Bulacan- Angat Water Transmission project.
Paliwanag ng kalihim batay sa 2024 proposed national budget naglaan lamang ang gobyerno ng ₱1.397 bilyon sa Pampanga Ingtegrated Disaster Risk Resilience project at ₱7.4 bilyong sa Bulacan- Angat Water Transmission project at ang iba namang gastusin ay sasagutin na ng Korea bilang tulong.
Sa usapin na naman ng malawakang pagbaha sa Metro Manila tuwing malakas ang ulan, sinabi ni Pangandaman na ₱1.3 bilyong ang kanilang inilaang pondo sa Flood Management Program ng MMDA para sa propose 2024 national budget.
Ito ay mababa na kung ikukumpara sa inaprobahang pondo ngayon taon na umabot sa ₱1.9 bilyon.
Samantala, kabilang rin sa nilaan ng pondo para sa propose 2024 national budget ay ang climate change expenditure tagging na umaabot sa ₱543.45 bilyong.