Manila, Philippines – Naglabas na ng mga listahan ng holiday gift items ang environmental group na ecowaste coalition na bawal na pangregalo sa mga kabataan ngayong pasko.
Ayon kay Thony Dizon, chemical safety campaigner ng Ecowaste Coalition, ang mga gift items na ito ay nagtataglay ng lead content na masama sa kalusugan ng mga bata.
Ito ay matapos kakitaan ito ng nakakalasong kemikal sa isinagawang pagsusuri gamit ang portable x-ray fluorescence analytical device sa mga sample na nabili sa Divisoria Manila.
Ang mga items o mga laruan ay hindi nakitaan ng anumang label o impormasyon at warning tungkol sa lead content at walang market authorization mula sa health authorities.
Kabilang sa mga gift items na nakitaan ng lead na mataas sa 90 ppm limit ay ang mga sumusunod:
1. ang kulay pula at dilaw na “naruto shippuden” fidget spinner,
2. ang yellow-painted na “hi, i’m monkey” vacuum flask,
3. ang yellow-painted na “despicable me” vacuum flask,
4. ang kulay green na “mickey mouse” glass cup
5. ang yellow “spongebob” glass cup
6. “wonderful” xylophone,
7. ilang “kai xin” laser toys
8. mini-xylophone,
9. “funny toys” lizards at
10. toy farm animals.
Bukod dito, pinayuhan ng Ecowaste Coalition ang mga consumers na iwasan din ang pagbili ng mga dolls o manika, soft balls at squeaky toys na gawa ng polyvinyl chloride (PVC) plastic na may taglay na toxic additives tulad ng lead stabilizers at phthalate plasticizers.